Bulalakaw
(kay Gaea, una at huli)
Ako ang bitwin na namatay -
kinain ng sarili kong kapangahasan
at karup'kan na nagsilbing mitsa
ng aking sariling pagkawasak.
Ako na rin ang kalawakan
na sinagi ng iyong dagliang paglisan -
parang malamig na hangin na sumampal
sa tuog kong mga pisngi.
Ako na rin ang langit
na numamnam sa lahat ng kirot at hapdi -
parang isang punyal na tumagos
at unti-unting pumunit sa aking kalamnan.
Ako na rin ang mga mata
na nakatingala sa kalangitan
na dagliang nakasilay sa iyong walang
katumbas na karik'tan -
kahit sa huling iglap man lang -
napawi ang lahat ng luha.
At sa huli, ako pa rin ang tigang na lupa
na sasalo sa mga suntok ng pangungulila
at iiwanan ng isang marka - alaala
ng isang nakaraang pag-ibig.
06-18-10