Huwebes, Disyembre 2, 2010

Hindi Na Sapat Ang Ilusyon

 (-para kay Sigmund)

Wala nang talab
ang bawat indayog
ng mga sagradong kamay.

Wala nang alab
ang mga kandila
na hinihihipan ng malaunos
na pagkadalita.

Naghihimulmol na
ang sotana, napupunit na
ng sinag ang dati'y makakapal
na kurtina na kinulayan na ng alabok.

Wala nang bisa
ang mga matatandang dasal
bagkus hinahalina na
ang mga maligno't aswang.

Maikli na
ang manto, lumaki na
ang birhen dahil sa malimit na
pag-iyak ng kisame.

Namamaos na
ang maladiyos na tinig
na nabarahan na ng nikotin at tar.

Inaamag na
ang ostiya, luray-luray na
ang corpus, mainam nang irasyon
sa matatandang deboto.

Inaanay na ang krus,
kumakalas na ang mga pako
mula sa mga banal na sugat,
kumakalat na ang tetano.

Pinapasok na
ng kiti-kiti ang agwa bendita.
Nililimak na
ng mga heganteng lamok
ang mga deboto.

Sabay bulong ng sakristan
sa namamanghang pari:


“Father, hindi na sapat
ang ilusyon.”


12-2-10

0 (mga) komento:

Mag-post ng isang Komento

Mas Bagong Post Mga Lumang Post Home

Blogger Template by Blogcrowds